Publiko hindi dapat mabahala sa posibleng pagpasok sa bansa ng bagong strain ng Coronavirus mula sa UK
Pinakakalma ni Senador Christopher Bong Go ang publiko sa pinangangambahang pagpasok sa bansa ng bagong strain ng Covid-19 mula sa United Kingdom.
Nabatid na nakapasok na sa Malaysia ang virus na kapitbahay lang ng Pilipinas.
Pero ayon sa Senador, chairman ng Senate Committee on Health, ginagawa na ng gobyerno ang lahat ng paghahanda at lahat ng paraan para hindi makapasok sa bansa ang bagong strain.
Kabilang na rito ang ipinatupad na travel ban sa mga manggagaling sa UK at mahigpit na pagmomonitor at quarantine sa mga pumapasok sa border ng bansa.
Umapila naman ang Senador sa publiko na sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, palaging paghuhugas ng kamay at iba pang pag-iingat.
Nakasalalay naman aniya sa magiging rekomendasyon ng mga Medical expert at ng Inter-Agency Task Force kung maghihigpit muli ang gobyerno ng Community Quarantine.
Meanne Corvera