Publiko, hinikayat na makiisa sa Earth Hour sa March 27
Hinimok ng Earth Hour Philippines ang publiko na makiisa sa isasagawang Earth Hour o sabay-sabay na pagpapatay ng non-essential lights sa loob ng isang oras.
Ayon kay Earth Hour Philippines National Director Angela Ibay, isasagawa ang event sa March 27, 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Binigyang-diin ni Ibay na mahalaga ang pagsasagawa ng Earth Hour lalu na ngayong may nararanasang Pandemya ang mundo.
Sa pamamagitan aniya ng pagpapatay ng ilaw ay matutulungan nating maging sustenable ang kapaligiran at maging malusog ang ating mga kasamahan.
Samantala, sinabi pa ni Ibay na bago ang Earth Hour event ay may mapapanod na live stream sessions, sa wwf philippines tungkol sa iba’t-ibang paraan ng pangangalaga sa kalikasan.
Ilan dito ay ang Wildlife conservation for Kids, Sustainable Dining para sa Foodies at ang pagbabawas ng mga plastic wastes na isa sa matinding problema ng mundo.
Gaya ng dati, inaasahang lalahukan ng mahigit 190 mga bansa at teritoryo ang Earth Hour.
Hinimok din ni Ibay ang publiko na gawin nang bahagi ng pamumuhay ang mga Environmental practices gaya ng pagpatay sa mga non-essential lights, at pag-unplug sa mga appliances o kagamitang tapos nang gamitin.
Ms. Angela Ibay, National Director, Earth Hour Phils.:
“Ngayon isang taon na tayong nasa ilalim ng Pandemya, naka-lockdown ang marami, dapat maisip natin kung ano nga ba ang role natin dito para maging sustenable ang ating planeta at para mas maging maayos rin ang ating mga kasamahan. Malaki ang pinsalang nangyayari sa ating kalikasan, sa health natin. Let us help to make nature and our earth a better place to live in”.