Publiko, hinimok na kilalanin ang sakripisyo ng mga frontliner sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day
Hinimok ni Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff Lt. General Jose Faustino ang publiko na patuloy na kilalanin at bigyang parangal ang sakripisyo ng mga frontliner ngayong panahon ng Pandemya.
Sa isang statement, sinabi ni Faustino na ang mga frontliner ang patuloy na nagsasakripisyo at nagtitiyaga upang magamot ang mga nagkakasakit at sinusuong ang panganib upang maging ligtas ang komunidad laban sa nakamamatay na sakit.
Sa kabila ng nararanasang Pandemya, hinikayat ni Faustino ang mga Filipino na tularan ang katapangan at kabayanihan ng mga frontliner gaya ng ipinamalas na sakripisyo ng ating National Heroes.
Dapat magsilbing bayani rin ang bawat isa sa kani-kaniyang larangan at kaparaanan lalu na ngayong nasa krisis ang buong mundo.
Tuwing huling buwan ng Agosto, ipinagdiriwang sa bansa ang National Heroes Day bilang pagpupugay sa mga Bayani ng Rebolusyon at iba pang Filipino na nakipaglaban sa mga dayuhang nanakop at nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bayan.