Publiko, hinimok na patuloy na lumahok sa mga Disaster Preparedness Program
Isinagawa ngayong araw, June 9, 2022 ang Nationwide Earthquake drill para sa second quarter.
Ayon kay Defense Secretary National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) chair Delfin Lorenzana, ito na ang ika-walong earthquake drill na isinagawa online simula nang magka-Pandemya ng Covid-19.
Ang katatapos na earthquake drill ay nakakuha ng 17,300 concurrent viewers, 105,432 views at 80,380 engagements, isang oras matapos ang livestream.
Kasabay nito, hinimok ni Lorenzana ang publiko na patuloy na makipagkaisa at lumahok sa mga disaster preparedness programs gaya ng earthquake drills.
Aniya, malaki ang maitutulong ng mga ganitong programa para maihanda at magkaroon ng kumpiyansa ang mamamayan sa pagharap sa mga kalamidad na maaaring danasin ng ating bayan.
Binigyang-diin naman ni Undersecretary Ricardo Jalad, NDRRMC executive director at Office of Civil Defense administrator ang kahalagahan ng sama-samang pagsisikap upang matulungan ang gobyernong makamit ang handa at ligtas ang mga komunidad.
Nagbigay rin ng kani-kanilang mensahe ng suporta sa aktibidad sina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestro Bello, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo Del Rosario, Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista, Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum Jr., Civil Defense Deputy Administrator and Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) President Raymond Democrito Mendoza.
Itinakda naman sa September 8, 2022 sa ganap na 9:00 ng umaga ang National Simultaneous earthquake drill para sa third quarter.