Publiko pinaalalahanan na huwag isakripisyo ang kalusugan sa gitna ng Covid pandemic
Pinaalalahanan ni Senador Bong Go, Chairman ng Senate Committee on Health, ang publiko na huwag isakripisyo ang kalusugan sa gitna ng pandemya.
Ngayong Covid 19 pandemic, ang isa sa mahalagang aral na natutunan ng lahat ay ang pagpapahalaga sa kalusugan.
Sa isang video message ni Go sa ginawang pamamahagi ng kanyang team ng tulong sa Aeta community sa Bamban, Tarlac, sinabi nito na mahalaga ang pagkonsulta sa manggagamot kung may nararamdaman.
Marami aniyang Pilipino ngayon ang lumalala ang kondisyon dahil ayaw nilang magpa-check up dahil sa kawalan ng perang pambayad.
Kabilang sa ipinamahagi ng mga tauhan ni Go sa Aeta community ay mga pagkain at masks.
May ilan rin ang binigyan ng bagong sapatos at bisikleta habang ang iba ay pinagkalooban ng computer para magamit ng kanilang mga anak sa blended learning activities.
Ayon kay Go, may itinayo silang Malasakit Center sa Tarlac Provincial Hospital sa Tarlac City na pwedeng puntahan ng ating mga kababayan roon na nangangailangan ng tulong sa kanilang hospital needs.
Pinaalalahanan rin nito ang mga katutubo na mag-ingat lalo at patuloy parin ang banta ng Covid-19.
Madelyn Moratillo