Publiko, pinag-iingat laban sa mga nagpapakilalang mula sa Communications Division ng DOJ na nag-aalok ng Identity History Check
Naglabas ng abiso ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga indibidwal at organisasyon na nagpapakilalang mula sa ‘Records Centre’ ng kagawaran at nag-a-alok ng Identity History Check.
Ayon sa DOJ, ginagamit ng mga ito ang email address na [email protected] at tinatarget ang mga online job seekers.
Inaalok ng mga salarin ang mga biktima ng Identity History Check at pagiisyu ng Employee Certificate of Registration kapalit ng Php 49,000 na bayad.
Sinabi ni Justice Undersecretary at Spokesperson Emmeline Aglipay-Villar na noong Oktubre ng nakaraang taon ay nagsimula silang makatanggap ng impormasyon na ginagamit ang email ng Communications Division ng mga taong hindi konektado sa DOJ.
Kamakailan ay muli anyang nakatanggap ang DOJ ng parehong report.
Naireport na anya ng DOJ Communications Division ang nasabing insidente sa Office of Cybercrime para sa kaukulang imbestigasyon.
Nilinaw pa ng opisyal sa publiko na hindi nagaalok ang DOJ ng Identity History Check.
Hinimok ng DOJ ang sinomang recipient ng mga fraudulent email na ireport ito sa Office of Cybercrime sa kanilang email address na [email protected] o kaya ay tumawag sa 8524-8216.
Moira Encina