Publiko pinag-iingat ng DOH laban sa “W-I-L-D” diseases
Nararanasan na muli ang tag ulan kaya naman maagap ang Department of Health sa pagbibigay ng advisory sa publiko para maingatan ang kalusugan at makaiwas sa mga sakit na maaring dumapo sa panahon ng tag ulan.
Ayon kay DOH Spokesman Asec. Eric Tayag, kabilang sa kanilang binibigyang diin sa publiko ay ang mga sakit na tinatawag na “wild” disease, ang W ay water borne diseases, I – for influenza, L – ay leptospiros at ang – D – ay dengue.
Sinabi ni Tayag na handa ang DOH para sa mga naturang sakit kung kaya’t dapat na maging handa rin naman ang publiko laban sa mga nabanggit na sakit.
Kapag handa ang bawat isa, maiiwasan ang pagkakasakit at makaiiwas din sa pagliban sa paaralan ng mga mag aaral at pagliban sa trabaho ng mga nagsisipag-hanapbuhay.
Ang Diarrhea at Cholera ay halimbawa ng waterborne diseases na madalas tuwing tag ulan, mainam din na makakuha ng anti flu shots lalo na sa panig ng mga bata, sa ganitong paraan ay maiiwasan ang ubo, sipon at lagnat.
Payo ni Tayag sa publiko, mahal ang gamot at mahal ang pagpapagamot kaya, ingatan ang ating kalusugan.
Ulat ni: Anabelle Surara