Publiko, pinag-iingat sa mga karaniwang sakit na dumadapo tuwing tag-lamig
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Adminstration (PAGASA) Weather Bureau patuloy na makararanas ng malamig na panahon ang malaking bahagi ng bansa sanhi ng Amihan. Dahil dito, nagbabala ang mga eksperto sa mga sakit na maaaring makuha tuwing ganitong panahon.
Ayon sa mga eksperto, ilan dito ay ang sipon (colds), trangkaso, pananakit ng lalamunan (sore throat), arthritis, panunuyo ng balat (dry skin) at maging ang atake sa puso (heart attack).
Binibigyang-diin ng mga eksperto na mahalagang alam natin kung paano maiiwasan ang mga nasabing sakit lalo na ngayong may nararanasan pa ring Covid-19 pandemic.
Malaki ang maitutulong na pamalagiang pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay, madalas na pag-inom ng tubig, pagkain ng masustansiyang pagkain gaya ng prutas at gulay, pag-inom ng supplement lalo na ang Vitamin C at pag-iwas sa matataong lugar at paglalaan ng oras sa pag-ehersisyo.
Belle Surara