Publiko, pinakiusapan na iwasan muna ang matataong lugar lalo ngayong Holiday season
Nakiusap si Senador Christopher Bong Go sa publiko na iwasan muna ang matataong lugar at malalaking pagtitipon ngayong Holiday season.
Sinusuportahan ng Senador ang apila ng Department of Interior and Local Government (DILG) na huwag munang magsagawa ng mga gathering dahil maaaring ito ang pagmulan ng pagkalat muli ng Covid-19 virus.
Dapat aniyang isaalang-alang ng publiko ang mga sakripisyo ng mga Filipino noong may umiiral na lockdown at dapat munang sumunod sa pamahalaan habang hindi pa humuhupa ang Pandemya at wala pang bakuna.
Nakalulungkot aniya kung tataas na naman ang kaso dahil dagdag hirap at pondo pa ito sa Contact tracing na maaaring magresulta ulit ng lockdown.
Paalala ng Senador, nasa bawat Filipino ang susi kung kakalat pa ang sakit at kung magtatagumpay ang laban kontra sa Pandemya.
Meanne Corvera