Publiko , pinayuhan ng malakanyang na iwasan ang pagsasagawa ng indoor activities sa Holiday season
Pinaiiwasan ng Malakanyang sa publiko ang pagdaraos ng mga indoor activities sa panahon ng holiday season celebration.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque bahagi ng contingency measures na inihahanda ng Department of Health o DOH para maiwasan ang paglobo ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season ay ipagbawal muna ang pagsasagawa ng mga indoor party na dadaluhan ng maraming tao.
Ayon kay Roque mas mabuting idaan na lamang sa virtual o online ang family gathering ngayong holiday season tulad ng reunion kasama na ang pagsalubong sa bagong taon.
Inihayag ni Roque, ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ang posibleng pagdami ng kaso ng COVID 19 sa panahon ng holiday season.
Ito ay dahil maluwag na ang mga patakaran sa mga pampublikong lugar tulad ng mga shopping malls, bazaar at tiangge area basta sundin lamang ang ipinatutupad na standard health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Nauna rito ay naglabas ng babala ang Malakanyang sa pamamagitan ng Inter Agency Task Force o IATF na ipasasara ang mga malls, bazaar at tiangge na hindi sumusunod sa standard health protocols.
Vic Somintac