Puganteng Chinese at Korean national, arestado ng Bureau of Immigration
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawang puganteng dayuhan na wanted sa kani-kanilang mga bansa.
Ayon kay BI intelligence officer Bobby Raquepo, naaresto sa Maynila ang isang Chinese national na kinilalang si Zheng Zhuhong, 51-anyos at Korean national na si Kim Donghyun matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Inaresto si Zheng sa bisa ng mission order dahil may kinakaharap itong warrant of arrest noong pang December 2016 matapos makapanloko ng mga biktima nito at makatangay ng mahigit sa P30-million Yuan o US$4.4 million.
Kanselado na rin ang pasaporte nito na dumating sa bansa noong isang taon.
Samantala, sa tulong ng Korean Embassy sa Maynila, napasuko ang 36-anyos na Korean national na si Kim.
Si Kim kasama ang tatlong iba pang mga suspek ay nagsabwatan para makapag-operate ng iligal na sports gambling site sa internet.
Nakapiit na ang dalawa sa Immigration detention facility sa Taguig habang inihahanda ang kanilang deportation at inilagay na rin sila sa blacklist ng BI.
Ulat ni Madelyn Moratillo