Puganteng hukom na nahaharap sa mga kasong rape, pinatawan ng dismissal ng Korte Suprema
Inalis sa serbisyo ng Korte Suprema ang isang puganteng hukom sa Naga City na nahaharap sa mga kasong rape at sexual abuse.
Sa desisyon ng Supreme Court, binawi rin ang lahat ng benepisyo ni Judge Jaime E. Contreras na Presiding Judge ng Naga City, Camarines Sur Regional Trial Court (RTC) Branch 25 maliban sa accrued leave credits nito.
Hindi na rin maaaring tanggapin sa alinmang tanggapan ng gobyerno si Contreras.
Iniakyat na rin ng Korte Suprema ang kaso sa Office of the Bar Confidant para sa disbarment proceedings laban sa judge.
Nag-ugat ang dismissal sa inihaing administrative complaint noong 2014 sa Office of the Court Administrator (OCA) ng sinasabing biktima ng sexual molestation at rape ng hukom.
Ayon sa SC, guilty ng grave misconduct si Contreras dahil sa pagiging pugante at pagtakas sa batas.
Si Contreras ay una nang sinampahan ng tatlong counts ng rape, isang count ng attempted rape, at walong counts ng acts of lasciviousness at paglabag sa R.A. 7610 sa Daet, Camarines Norte RTC noong 2014.
Nagisyu na ng arrest warrants ang RTC laban sa judge pero ilan taon na itong nagtatago sa otoridad.
Sinabi ng SC na ang pagtanggi ni Contreras na sumunod sa mga lawful orders at evasion of arrest nito ay patunay ng kanyang kawalang interes na manatili sa hudikatura.
Binanggit din ng SC na hindi ito ang unang pagkakataon na pinarusahan si Contreras.
Noong 2016 ay hinatulang guilty si Contreras ng dishonesty ng Korte Suprema dahil sa kabiguang ilagay sa kanyang personal data sheet nang mag-apply ito bilang hukom na siya ay kinasuhan at napatunayang guilty ng simple misconduct ng Office of the Ombudsman.
Tumanggi naman ang SC na magkomento sa mga kasong rape laban sa hukom dahil ito ay nakabinbin pa sa trial court.
Moira Encina