Pulis sa P6.7B shabu bust sa Maynila noong Oktubre, ipinakulong ng Senado
Pinatawan ng contempt ng Senado ang isa sa mga pulis na sangkot sa kontrobersyal na drug bust operations sa Maynila kung saan nakuha ang may P6.7 bilyong halaga ng shabu noong Oktubre ng nakaraang taon.
Dahil sa pagsisinungaling, iniutos ng Senado na ikulong sa Senate building si Police Captain Jonathan Sosongco, ang head ng raiding team ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na nakasabat at naka-aresto kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. at nakumpiska ang 990 kilo ng shabu.
Napikon ang mga Senador sa paulit-ulit na pagtanggi ni Sosongco na ibigay ang mga detalye sa kanilang ginawang raid mula sa kanilang impormante at kung sinu-sino pa ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dawit sa illegal drugs operations at sino ang kanilang posibleng protektor.
Tinanong si Sosongco ng mga senador kung sino ang impormante na umanoy nag-timbre kay Mayo at hawak nitong illegal drugs.
Pero sagot ni Sosongco wala na sa kanyang kustodiya ang impormante at wala na raw siyang impormasyon hinggil dito na ikinagalit ng mga Senador.