Pulse Asia sinagot ang mga batikos ng Robredo supporters sa pre-election surveys results nito
Pinasinungalingan ng Pulse Asia Research Incorporated ang mga puna at alegasyon ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo kaugnay sa mga resulta ng kanilang election surveys.
Isa sa mga ito ang komento sa Facebook ng statistician na si Dr.Romulo Virola na isang Leni supporter.
Sa kanyang FB post, sinabi ni Virola na may mga “flaws” o mali sa surveys ng Pulse Asia at si Robredo raw ang mananalo kung maitama lang ang pagkakamali ng polling firm.
Partikular sa mga ito ay ang sinasabing under representation sa surveys ng classes A,B at C, kabataan, at may mataas na educational attainment.
Sa isang statement, sinabi ni Pulse Asia President Dr. Ronald Holmes na katunayan sa kanilang surveys ay si dating Senador Bongbong Marcos ang nakakuha ng mas mataas na suporta mula sa kabataan at mula sa mga nakatapos ng kolehiyo na inaakala ni Virola na mas suportado si Robredo.
Dahil dito, ipinunto ni Holmes na kung susundan ang logic ni Virola at kumuha ng larger sample mula sa mas bata ang edad at mas edukadong grupo ay maaaring magpalaki pa ito lalo sa suporta kay Marcos.
Kaugnay nito, itinanggi ng Pulse Asia ang mga alegasyon ng mga kritiko na nabili sila at nakompromiso ang kanilang surveys dahil sa umano’y infiltration ng partisan groups.
Wala rin anilang katotohanan ang mga pahayag na iligal ang paglalabas ng survey results 15 araw bago ang halalan dahil ang nasabing probisyon sa batas ay dati nang idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.
Binigyang diin muli ng survey firm na time bound ang mga surveys at may limitasyon sa pagpredict ng aktuwal na resulta ng eleksyon maliban sa exit polls.
Pinasaringan din ng Pulse Asia ang mga grupo na nagpapalabas ng mga hindi patas at hindi makatuwiran na kritisismo sa survey results nito.
Iginiit ng Pulse Asia na responsable ang mga nagpapakalat ng nasabing walang basehang akusasyon sa lalong paglala ng disinformation at malinformation at sa paglalim pa ng polarization at distrust na nagpapahirap sa lipunan.
Moira Encina