PUV drivers, market vendors at mall employees na magpopositibo sa covid 19 bibigyan ng food assistance ng Manila LGU
Bibigyan ng food assistance ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga driver ng pampublikong sasakyan, mga tindero at tindera sa palengke, at maging mga nagtatrabaho sa mga mall na magpopositibo sa COVID-19.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno kasunod ng ginawang libreng mass swab testing ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Isko , ito ay upang mabawasan ang kanilang pag aalala sa magiging kalagayan ng kanilang pamilyang maiiwan sa bahay.
Tig-isang sako ng bigas at grocery items aniya ang ipapamahagi ng Manila LGU sa bawat pamilya ng empleyadong nagpositibo sa ilalim ng ginawang libreng mass swab testing.
Kaugnay nito, hinikayat naman ng Alkade ang mga hindi pa nagpapaswab test na magpatest narin para narin sa kanilang kapanatagan.
Hanggang kahapon ay umabot na sa 4,830 ang mga public utility drivers, tindero ng 17 pampublikong palengke, at mall workers sa Maynila ang naisailalim sa libreng mass swab testing sa lungsod.
Sa nasabing bilang, 121 na ang bilang ng nagpositibo.
Madz Moratillo