Puwede ba pakitukoy kung saang mga lugar talaga may delta variant?
Magandang araw mga ka-Isyu! Pag-usapan natin ang Covid-19 cases, dahil anim na rehiyon sa bansa ang binabantayan ngayon ng Department of Health matapos na makitaan ng pagtaas ng kaso nitong nakalipas na mga araw.
Teka, nangangamoy na ba ng total lockdown? “Yan ang sinasabi ko kahit bago pa ibalik sa GCQ with heightened restrictions ang National Capital Region. Kasi naman itong mga indikasyon, ang senaryo, madaling basahin ang mga hakbang ng Department of Health.
Ayon kay health undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasama ang Metro Manila o NCR sa tumataas ang kaso ng Covid-19. Pati sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Central Visayas at Northern Mindanao na mula sa negatibo ay nakapagtala ng ngayon ng positive growth rate.
Ang reproduction number sa MM ay nasa 1.009 percent samantalang 0.95 sa Cagayan Valley; 1.12 sa Central Luzon; samantalang .98 naman sa CALABARZON; Sa Central Visaya ay 1 at 0.91 sa Northern Mindanao.
Ang bilang ng mga nahahawahan ng isang pasyente ng sakit na nasa isa o mas mataas pa ay indikasyon ng pagkakaroon ng tinatawag na sustained Covid-19 transmission. Ang Metro Manila ay 1.009 kaya pasok doon sa sinasabing mabilis na hawahan.
Importante talaga ang mask, hugas, iwas at bakuna na ipinapaalala palagi ni Presidential Spokesperson Harry Roque kapag may press briefing. Ilang porsyento na ba ang nababakunahan?
Ang fully vaccinated natin ay nasa mahigit limang milyon, out of the 109 M Filipinos. Samantala, kinumpirma ni Usec. Vergeire na ang mga rehiyon sa Cordillera ay may reproduction rate na 0.96 at sa Ilocos ay 1.09 at nakapagtala ng positive growth rate sa loob ng anim na linggo na.
Minomonitor din ang Northern Mindanao at Davao region dahil sa mataas na ICU utilization rate. Huwag naman sana, baka sa susunod ang maririnig nating sasabihin ng DOH ay ang tungkol sa problema sa hospital care capacity sa National Capital Region. Na nagpupunuan na naman sa mga ospital.
Ang nakalulungkot kasi baka bumalik na naman tayo sa nangyari noong Marso na inilagay tayo sa Enhanced Community Quarantine dahil sa ang hospital bed capacity ay tumataas.
Samantala, puwede ba pakitukoy naman DOH kung anu-anong lugar o kung saan-saan talaga ang may kaso na ng delta variant ? Halimabawa, sa Quezon City, saan sa QC? Para alam ng tao, hindi ba? Para makapagdoble ingat.
Siyanga pala, sinasabi ng DOH na walang pang ‘surge’ sa ngayon. Oo, tapos, sa susunod na mga araw magugulat na lang tayo na mataas na naman ang kaso ng Covid-19 lalo pa nga at pinasok na tayo ng delta variant.