PUWING
Napuwing ka na ba? Malamang, kadalasan na nararamdaman ng napuwing ay masakit sa mata, nagluluha, namumula, di ka mapalagay at sobrang pagkurap.
Ano ang ginagawa ng marami pag napuwing? ‘Yung iba na sa palagay ko ay mas maraming gumagawa nito, kinukusot ang mata. Meron ding hinuhugasan ang mata sa tumutulong tubig mula sa gripo at ang karaniwan ay naghahanap ng iihip sa napuwing na mata.
Okay, para hindi mauwi sa malalang eye infection at malaman natin kung ano ang dapat na gawin kapag napuwing tayo, itinanong natin kay Dr. Tommee Lynne Tayengco-Tiu, Ophthalmologist, kung ano ang dapat gawin kapag may napuntang “foreign object” o napuwing ang mata.
Sabi ni Doc Tommee, kung nakikita sa salamin kung ano ang nakapuwing, kumuha ng cotton buds na malinis at pwedeng ipantanggal ng puwing, kung walang cotton buds, maghugas ng kamay at subuking alisin ang anomang nakapuwing kung saan ito naroon. Subalit kung nakabaon sa “cornea”o sa itim ng mata, huwag na lamang piliting tanggalin at baka lalo pang bumaon. Mabuting sa clinic o ER para makita gamit ang microscope at maalis ang puwing.
Banggit ni Doc Tommee, ang “cornea” ay very sensitive, kapag hinawakan ay masakit at madaling magasgas, kapag nagasgas puwedeng maimpeksyon. Samantala, pag napuwing, puwede ding banlawan ang mata sa pamamagitan ng tubig, mas mabuting ang tubig na gagamitin ay galing sa dumadaloy na tubig sa gripo kaysa sa nakaimbak na tubig.
Hindi rin anya dapat na kinukusot ang mata pag napuwing, dahil posibleng kung anoman ang nakapuwing ay maiwan sa ilalim ng “eyelid” at pumaloob at magasgas ang “cornea” at magkaimpeksyon.
Eto pa, hindi na rin anya ipinapayo ang paghipan kapag napuwing.
Ang mga sumusunod ang madalas na nakakapuwing sa atin kadalasan ay dahil sa pang araw-araw na aktibidad na ginagawa natin … -pilikmata – kusot (sawdust) – dumi(dirt) – buhangin – contact lenses – metal particles.
Now, alam n’yo na ang gagawin sa susunod na mapupuwing kayo.