Qatar, natanggap na ang unang coronavirus vaccines
DOHA, Qatar (AFP) — Natanggap na ng Qatar ang una nilang novel coronavirus vaccines nitong Lunes, ilang oras matapos aprubahan ng mga regulator ang bakuna para gamitin sa naturang Gulf state, na nagsabing libre nila iyong ibibigay sa lahat ng kanilang mga mamamayan.
Isang shipment ng 14 na kahon ng Pfizer-BioNTech vaccine ang dumating sa Hamad International Airport sa Doha, lulan ng Qatar Airways passenger Boeing 787 galing Brussels, Belgium.
Hindi naman binanggit ng mga awtoridad, kung ilang doses ang nasa first shipment.
Sinabi ni Abdullatif al-Khal, Chairman ng National Health Strategic Group on Covid-19, na magsisimula ang pagbabakuna sa Miyerkoles, kung saan uunahin ang mga matatanda, mga may chronic condition at medical staff.
Aniya, ang pagbabakuna ay boluntaryo at ibibigay ng libre.
Ang bakunang dinivelop ng Pfizer-BioNTech ay una nang inaprubahan ng European Union, Britain, United States, Canada, Switzerland, Singapore, Israel at Bahrain, na nagbigay daan para masimulan na ang pagbabakuna.
Ang Pfizer-BioNTech vaccine ay napatunayang 95 percent effective sa global trials, matapos ibigay ang dalawang doses na tatlong linggo ang pagitan.
Kailangan itong i-imbak sa lubhang mababang temperatura na -70 degrees Celsius (-94 Fahrenheit).
Inilabas ng health ministry ng Qatar ang approval at registration ng Pfizer at BioNTech COVID-19 vaccine, na isa sa dalawang bakuna na napagkasunduang bilhin bago ang delivery.
Ang bakuna ay inaprubahan matapos magsagawa ng masusing review ang Department of Pharmacy and Pharmaceutical Control at batay din sa resulta ng isinagawang clinical studies na nilahukan ng maraming volunteers.
Lumitaw sa ginawang review, na ang bakuna ay ligtas at mabisa alinsunod sa international standards.
Samantala, gagamitin din ng Qatar ang doses ng bakunang ginawa ng US firm na Moderna Therapeutics.
Apatnapu’t apat na porsyento ng 2.75 milyong populasyon ng Qatar ang na-test at nakapagtala ng 142,159 infections mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Gayunman, 243 katao lamang ang nasawi dahil sa virus at ang rate ng mga bagong infection kada 100,000 para sa nakalipas na linggo ay 37.7, lubhang mababa na mula sa peak nito.
Ayon kay Khal, simula sa buwan na ito at magpapatuloy sa buong 2021, ay magsasagawa sila ng pinakamalawak na vaccine program na hindi pa nagawa sa Qatar.
© Agence France-Presse