QC Gov’t. umapila sa mga pork meat trader at retailers na huwag magtaas ng presyo
Umapila si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga pork meat traders at retailers na huwag namang magtaas ng presyo kahit na may kakulangan ng supply ng karneng baboy sanhi ng African swine fever sa Luzon.
Sinabi ng alkalde na batay sa daily market report na kanilang natanggap mula sa QC Veterinary Department, iba’t-ibang meat retailers sa lungsod ang nagbebenta ng kanilang produkto ng 300 kada kilo, napakalayo mula sa suggested retail price na 260 piso hanggang 270 piso kada kilo.
Sabi ni Belmonte hindi dapat na mag-over price sa presyo ang mga nagbebenta ng karneng baboy dahil nabili naman nila ito sa kanilang supplier ng tama ang presyo kaya dapat lamang na ibenta ito sa tamang presyo.
Ayon pa sa alkalde araw araw na may nagmo-monitor sa mga pamilihan sa lunsod upang matiyak na walang overpricing, hindi lang sa karneng baboy kundi sa iba pang bilihin.
Samantala, sinabi naman ni Dr. Ana Marie Cabel, City Veterinarian, na tuloy-tuloy naman ang kanilang inspeksyon sa wet markets, grocery at supermarket upang matiyak na ligtas at walang ASF ang bibilhin ng mga QC residents.
Belle Surara