QC handa na para sa balik-eskwela
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na nakahanda na ang nasa 158 pampublikong elementarya at high school ng lungsod.
Batay sa datos ng Schools Division Office (SDO), ang QC ay may kabuuang 440,821 mag-aaral na naka-enroll sa mga pampublikong paaralan ng lungsod noong Agosto 20.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, may sapat na mga tauhan at kagamitan ang mga paaralan sa lungsod para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante maging ng mga guro sa pagbabalik-eskwela.
Inihayag naman ng SDO, 81 na paaralan lamang ang magpapatupad ng 5 araw na in-person classes habang ang natitirang 77 ay magpapatupad naman ng blended learning modality.
Ang mga paaralan sa ilalim ng blended learning mode ay bibigyan ng hanggang Nobyembre 2 upang lumipat sa mga personal na klase, alinsunod sa Kautusan ng Department of Education No. 34 series ng 2022.
Ang Division of City Schools-Quezon City ay nagsagawa ng serye ng mga pagpupulong kasama ang mga pinuno ng paaralan, pinangangasiwaan ang pagsasagawa ng simulation classes at nagsagawa ng orientation sa mga magulang sa bawat paaralan upang matiyak na ang mga estudyante ay makakatanggap ng mga school supplies at tablet.
Ang lungsod ay naghahanda din ng mga COVID-19 homecare kit para sa mga mag-aaral, kung sakaling magkaroon ng impeksyon sa loob ng mga paaralan.
Upang gawing accessible ang pagbabakuna para sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang, ang mga piling paaralan ay naglagay ng mga vaccination site sa pamamagitan ng Pinas Lakas campaign ng Department of Health.