QC Mayor Joy Belmonte, nabakunahan na kontra Covid-19
Nabakunahan na ng Sinovac vaccine ngayong araw si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Bagamat kabilang sa A1 category, sinabi ng alkalde na nagpasya siyang paunahin muna ang mga tukoy na indibidwal sa mga priority group na mabakunahan.
Matatandaang dalawang beses tinamaan ng Covid-19 ang alkalde kamakailan pero tuluyang nakarekober noon lamang nakalipas na buwan.
Sinabi ni Belmonte na kahit siya ang pinuno ng lungsod ay dumaan pa rin siya sa proseso ng pagbabakuna sa pamamagitan ng pag-register online sa EZConsult website.
Aniya ito ay upang maobserbahan niya kung paanong tumatakbo ang proseso at kung ano pa ang dapat gawin para mapa-improve o mapabilis ito.
Sa Ateneo de Manila University sa Katipunan, QC nakakuha ng slot ang alkalde kaya nabakunahan siya kaninang pasado ala-1:00 ng hapon.
Umaasa ang alkalde na sa pamamagitan ang pagbabakuna sa kaniya ay makakahikayat pa siya ng mga residente ng lungsod na magpabakuna na rin.
“Dahil dalawang beses kong naranasang magka-COVID-19, batid ko ang kahalagahan ng bakuna upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalang sakit na dulot ng virus. I hope that by having been vaccinated, I could encourage more QCitizens to get inoculated too against COVID-19″.
Hinimok rin ng alkalde ang publiko na bagamat karapatang pumili ng brand ng bakunang ituturok sa kanila ay hindi na dapat palagpasin ang pagkakataon kung mayroon nang available na bakuna.
Hindi aniya makakamit ang target ng bansa na herd immunity kung hihintayin pa ang brand ng bakuna na nais nila dahil lahat naman ng mga bakuna ay aprubado ng FDA, ligtas at epektibo.