QC Mayor Joy Belmonte tiniyak na naresolba na ang mga naging aberya sa unang araw ng cash aid distribution
Ipinagpatuloy ng Quezon City LGU ang pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa mga residente nito na mahihirap at iba pa na lubhang naapektuhan ng ECQ.
Isa sa mga barangay sa QC na kabilang sa ikatlong araw ng distribusyon ng cash assistance ay ang Barangay Commonwealth na may 27,000 benepisyaryo.
Ininspeksyon mismo ni QC Mayor Joy Belmonte na kakarekober lang mula sa COVID-19 ang pamimigay ng ayuda sa Brgy. Commonwealth na isinagawa sa Manuel L. Quezon Elementary School.
Kasama rin ng alkalde sa pag-obserba sa pamimigay ng ayuda si DILG OIC Bernardo Florece.
Aminado si Belmonte na nagkaroon ng mga aberya sa unang araw ng cash aid distribution partikular sa isang barangay sa lungsod dahil sa kawalan ng koordinasyon at kakulangan ng information dissemination.
Isa rin sa nakitang problema kaya natagalan ang paghihintay ng mga benepisyaryo ay dahil sa mahabang oras na iginugol para matapos ang pag-print sa mga payroll at kakulangan ng mga kawani sa City Treasurer’s Office.
Pero, tiniyak ng opisyal na naging maayos na ang sistema ng pamamahagi sa nasabing barangay sa sumunod na araw.
Nadagdagan na rin anya ang distribution sites sa QC kaya may 40 lugar na kada araw ang pinagsasagawan ng pamamahagi ng cash aid upang maabot ang deadline na itinakda ng nasyonal na pamahalaan.
Inamin ni Belmonte na maikli ang dalawang linggong ibinigay na panahon ng gobyerno para sa distribusyon ng ayuda lalo na’t mas malaki ang populasyon ng QC kumpara sa ibang lungsod sa Metro Manila.
Nasa 2.4 milyong indibidwal sa Quezon City mula sa 800,000 pamilya ang benepisyaryo ng financial aid mula sa gobyerno.
Kaugnay nito, ipinaabot na ng mayor sa DILG ang kanaisan nila na mabigyan ng dagdag na palugit sa pamamahagi ng cash assistance.
Ito ay sakaling hindi matapos ng QC LGU sa loob ng dalawang linggo ang payout sa kabila ng kanilang best effort para makatugon sa direktiba ng national government.
Moira Encina