QC, nanatiling nasa Red Alert status kaugnay sa bagyong Rolly
Bagamat bahagyang humina ang Typhoon Rolly, hindi pa rin inaalis ng Quezon city government ang Red Alert status sa lunsod.
Sa panayam kay Mayor Joy Belmonte, kahapon pa lamang ay nagsagawa na sila ng paglilikas sa mga Barangay na nasa low-lying at flood prone areas sa lunsod kabilang ang mga Barangay Mariblo, Bagong Silangan, Tatalon, Apolonio Samson at Roxas.
Aabot sa 1,404 pamilya o katumbas ng 6,011 indibidwal ang nailikas ng city government at nasa mga Evacuation centers.
Bawat Barangay aniya ay may sariling mga evacuation center at nananatiling nasusunod ang mga health protocol dahil sa pagmomonitor ng Social Services Development Department.
May mga isinet-up din silang cubical tents at kumpleto rin ang mga gamot para sa mga sakit na nangangailangan ng agarang medical attention kasama na ang sakit na leptospirosis.
Nakaantabay rin ang mga truck ng Task Force on Solid Waste Management para sa posibleng clearing operations ng mga naputol na sanga ng puno at debris sa lungsod dulot ng bagyong Rolly.
Maliban sa food packs, pinagkakalooban rin ng hot meals ang mga evacuees.
Para naman sa mga may concern at iba pang problema, hinimok ni Belmonte ang mga residente na tumawag sa 122 hotline.
“Very cooperative ang mga Barangay officials at tuloy-tuloy ang ating operation. Maari nilang ilapit o itawag sa hotline 122 ang mga may concern kahit hindi tungkol sa bagyo at kumpleto ang mga call center agents na tutugon sa kanilang hinaing”.- QC Mayor Joy Belmonte