QR Code, ipinatutupad sa lahat ng papasok sa Dagupan City mula sa labas ng Pangasinan
Simula ngayong araw, mahigpit na ipinatutupad sa Dagupan City ang paggamit ng QR Code ng lahat ng papasok sa lungsod partikular na ang mga bumibiyahe galing sa labas ng Pangasinan.
Ayon kay Dagupan City Mayor Brian Lim, layunin ng sistema na makontrol ang pagdami ng kaso ng COVID-19 at maisatuparan ang epektibong contract tracing.
Kaya naman lahat ng dadaan sa border control points na binabantayan ng PNP at Public Order and Safety Office (POSO) ay dapat mag-presenta ng kaukulang QR Code.
Sabi pa ng alkalde, kailangang magrehistro sa website na GoPangasinan.Ph ang sinumang taga-labas ng Pangasinan na papasok sa Lungsod ng Dagupan. Kasama na rin dito ang mga Locally Stranded Individual (LSIs), Overseas Filipino Workers ( OFWs ) o sinumang may sadya sa lungsod.
Ayon pa kay Lim, province-wide ready ang nasabing sistema na maari rin i-adapt ng Provincial Government.
Samantala sa unang araw na implementasyon, nagkaroon ng pagbigat ng daloy ng trapiko dahil sa mga ipinatutupad na IATF protocols.
Sa pinakahuling update ng Provincial Health Office (PHO) , nakapagtala ng panibagong 20 kaso at 2 ang nasawi dahil sa COVID-19. Sa kabuuan, umabot na sa 1,319 ang bilang ng mga tinamaan ng nasabing virus. Sa nasabing bilang, 286 ang COVID cases sa Dagupan City.