Quarantine facilities ng Maynila inactivate na ulit
Kasabay ng pagtaas na naman ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, inactivate na muli sa Lungsod ng Maynila ang kanilang quarantine facilities.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, dahil sa pagbaba ng mga kaso matagal ring hindi nagamit ang kanilang quarantine facilities na mayroong 530 bed capacity.
Bukod rito, may nakahanda rin aniya silang 2 dormitel na may 200 bed capacity para magsilbi ring quarantine facility kung kinakailangan pa.
Sa ngayon, mataas aniya ang occupancy rate ng kanilang Manila COVID-19 Field Hospital.
Sa 344 bed capacity nito, 307 na aniya ang okupado.
Pero paglilinaw ng alkalde, karamihan rito ay mga Overseas Filipino Workers na doon dinala ng Bureau of Quarantine matapos nilang magpositibo sa virus.
Ayon sa Alkalde, kapansin pansin na malaking porsyento ng mga nagpopositibo ngayon ay mga bata at iyong mga hindi pa bakunado laban sa Covid-19.
Kaya naman simula ngayong araw, ayon kay Mayor Isko, bawal na ang mga bata at hindi pa bakunado sa mga mall.
Maging sa mga pampublikong sasakyan, kung walang maiprisintang vaccination card, bawal na rin.
Madz Moratillo