Quarantine para sa mga fully vaccinated individual na naging close contact ng Covid-19 patient, ibinaba sa 7 araw
Mula sa 10 araw, pinaiksi na sa 7 araw ang quarantine period para sa mga nakasalamuha o close contact ng mga indibidwal na tinamaan ng Covid-19 pero nakakumpleto na ng bakuna.
Ngunit nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na epektibo ito kung mananatiling asymptomatic o hindi kinakitaan ng anumang sintomas ang nakasalamuha ng pasyente.
Maaari rin namang aniyang sumailalim sa swab test ang close contact sa ika-limang araw ng huling exposure nito sa pasyente.
Isasagawa lamang aniya ang testing at isolation protocol kung ang naka-close contact ay nakitaan ng mga sintomas.
Sinabi pa ni Roque na ang isang indibidwal ay ikinukonsidera nang fully vaccinated, 2 linggo o higit pa matapos niyang maturukan ng second dose ng 2-dose vaccine at dalawang linggo o higit rin kung nakatanggap ng single-dose vaccine.
Ang mga bakuna ay dapat naisyuhan ng emergency use authorization o mayroong Compassionate Special Permit (CSP) mula sa Philippine Food and Drug Administration at kabilang sa Emergency Use Listing ng World Health Organization.
Sakali namang nagpositibo sa RT-PCR test ang close contact ay kailangang sundin ang isolation protocol.