Quarantine period para sa fully vaccinated Filipinos na manggagaling sa US, tatlong araw na lang
Nais ipabatid ng Philippine Consulate General sa New York, na magiging mas madali na sa mga Pinoy na nasa Estados Unidos ang pagbalik sa Pilipinas para sa holiday season.
Sa Resolution No. 149-A ng Inter-Agency Task Force on the Management of Infectious Diseases (IATF), simula sa November 22, ang fully-vaccinated individuals na sumailalim sa pre-departure RT-PCR tests sa loob ng 72-oras, ay kailangan na lamang ng tatlong araw na facility-based quarantine sa halip na limang araw.
Pagkatapos ng ikatlong araw, kailangan nilang kumuha ng RT-PCR test. Kapag naging negatibo ang resulta nito, inaatasan silang mag-self-monitor hanggang sa ika-14 na araw mula sa petsa ng kanilang pagdating.
Malaki ang maitutulong ng pinakahuling development na ito sa patuloy na pagbangon ng sektor ng turismo ngayong holiday season, habang magbibigay din ng mas maraming pagkakataon sa mga gustong umuwi para makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Samantala, ang mga unvaccinated at partially unvaccinated individuals ay sasailalim naman sa facility-based quarantine sa loob ng pitong araw, pagkatapos nito ay kailangan nilang kumuha ng RT-PCR test, na susundan ng home quarantine hanggang sa ika-14 na araw mula nang lumabas ang negatibong resulta ng pagsusuri.