Rabbitry Backyard Raising: A Family and Community Livelihood Program inilunsad sa Imus, Cavite
Sa pangunguna ng Imus National High School Integrated Farm and Rabbitry, kasama ang Rotary Club, Inner Wheel Club of Mutya at lokal na pamahalaan, maingat at masusing binuo ang programang “Rabbitry Backyard Raising: A Family and Community Livelihood Program.”
Layon ng nasabing programa, na inilunsad sa Imus National High School sa pamamagitan ng limited face to face at live streaming sa social media, na makatulong sa mga Imuseňo na apektado ng pandemya, upang magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan.
Isa ang 53-anyos na tricycle driver na si Luis Legaspi sa 100 beneficiaries, na nakatanggap ng starter kit sa isinagawang seminar kaugnay ng programa.
Sa ginanap na seminar ay ipinaliwanag sa mga binigyan ng starter kit, na maaaring kumita ng 300-600 pesos depende sa breed ng rabbit. Ipinakita rin ang iba’t-ibang maaaring gawing luto sa karne nito.
Mainam ang karne ng rabbit laluna sa mga health concious dahil ito ay rich in protein at low in fat.
Hindi lamang karne ng rabbit na maaaring ibenta ng 400 pesos kada kilo ang may pakinabang, dahil ang ihi at dumi nito ay puwedeng maging pataba sa mga halaman.
Ulat ni Katherine Reus