Radio frequencies ng NOW Telecom, hiniling sa NTC na bawiin
Pinababawi sa National Telecommunications Company (NTC) ang radio frequencies ng NOW Telecom Company Inc.
Ang reklamo ay inihain sa NTC ng tatlong indibiduwal dahil sa sinasabing mga paglabag ng NOW Telecom.
Partikular na rito ang “inefficient use, non-operation, circumvention, and nonpayment of Spectrum User Fees (SUF)” at ang mga paglabag sa terms and conditions ng Provisional Authority.
Ayon sa mga complainant, inireklamo nila ang respondent dahil sa kabiguan na mabigyan ng internet service ang kanilang lokalidad sa kabila ng pagkakaroon ng radio frequency na itinalaga sa kanila ng estado.
Sabi pa sa reklamo tanging 10 istasyon sa anim na sites mula sa 2,036 stations sa 245 sites ang may naka-install na radio communications equipment.
Nais naman ng mga complainant na ipasingil sa NTC ang required SUF.
Hiniling din nila na patawan ang NOW Telecom ng kaukulang administrative sanction at mga penalties.
Nakakuha noong 2018 ang NOW Telecom (dating Infocom Communications Network Inc.) ng extension sa prangkisa para magtayo at mag-operate ng telecommunications network hanggang 2043.
Matapos ito na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 10972 na nag-renew sa prangkisa ng kumpanya para sa panibagong 25 taon.
Ang mga complainant ay sina Mirzilyn Abarabar, Marlowe Zarate, at Maria Veronica Aquino at kinakatawan ng kanilang abogado na si Amado Aquino III.
Madelyn Moratillo