Rally sa Niger na humihiling sa withdrawal ng French troops, nasa ikatlong araw na
Libu-libong mga demonstrador sa Niger ang nagdaos ng ikatlong araw ng rally nitong Linggo, na nananawagan sa dating kolonyal na pinuno ng France na paalisin na ang mga sundalo nito, gaya rin ng hinihiling ng junta na nang-agaw ng kapangyarihan noong Hulyo 26.
Binatikos ng military regime ng Niger ang France noong Biyernes, at inakusahan ang Paris ng “hayagang panghihimasok” sa pamamagitan ng pagsuporta sa napatalsik na pangulo ng bansa.
Simula noon, ay libu-libong katao na ang lumahok sa protesta malapit sa Niger military base, kung saan naka-base ang mga sundalong Pranses.
Ang relasyon sa France, na dating colonial power sa Niger at kaalyado sa paglaban sa jihadism, ay mabilis na lumamig makaraang manindigan ng Paris sa panig ng napatalsik na pangulong si Mohamed Bazoum.
Noong Agosto 3, ay inanunsiyo ng rehimen ang pagpapawalang bisa sa lahat ng military agreements sa France, na mayroong nasa 1,500 mga sundalong naka-base sa Niger.
Inanunsiyo rin ng military rulers ng Niger ang pagpapatalsik kay French ambassador Sylvain Itte, at sinabing binabawi na nila ang diplomatic immunity nito dahil ang presensiya nito ay banta sa kaayusan sa bansa.
Subali’t pinuri ni French President Emmanuel Macron ang naging trabaho ni Itte sa Niger at sinabing manatili ito sa Niger sa kabila ng ibinigay sa kaniyang 48-oras na palugit upang umalis.
Nitong Linggo, muling binigyang-katwiran ng France ang pananatili ng kanilang ambassador sa lugar.
Sinabi ni Foreign Minister Catherine Colonna sa isang panayam, “He is our representative to the legitimate authorities in Niger. We don’t have to bow to the injunctions of a minister who has no legitimacy, he can face the pressure from the putschists in complete safety.”