Ramon Tulfo Jr., arestado sa Maynila dahil sa cyber libel case
Dinakip ng Manila Police District ang kolumnista at brodkaster na si Ramon Tulfo Jr. dahil sa kasong cyberlibel.
SI Tulfo ay inaresto ng mga tauhan ng MPD- Special Mayor’s Reaction Team sa quadrangle ng Manila City Hall bandang 10:05 ng umaga ng Miyerkules.
Nasa city hall si Tulfo para dumalo sa hearing sa ibang kaso laban dito.
Ayon sa MPD, hinuli si Tulfo sa bisa ng bench warrant o show cause order na inisyu ng Manila RTC Branch 24 noon pang 2020.
Ito ay bunsod ng hindi pagsipot ni Tulfo sa mga pagdinig ng hukuman sa kaso laban dito.
Matapos mahuli ay nag-return ng warrant ang MPD sa Branch 24 upang ipaalam ang pagkakadakip kay Tulfo.
Bago ang pag-aresto, ipinabatid sa MPD ni Atty. Lean Cruz na abogado ni dating Justice Sec. Vitalliano Aguirre ang ukol sa kaso at hiningi ang tulong ng pulisya.
Nakakulong pansamantala si Tulfo sa tanggapan ng MPD- SMART sa city hall habang hinihintay ang utos ng hukuman.
Kinuhanan din ng mug shot si Tulfo habang nasa istasyon ng pulisya.
Ayon sa MPD, hiniling ng kampo ni Tulfo sa korte na ma-lift ang bench warrant.
Tiniyak naman ng pulisya na walang magiging special treatment kay Tulfo habang nasa kustodiya nila ito.
Si Tulfo ay nahaharap sa patung- pato na kasong libelo at cyber libel sa iba’t ibang korte sa bansa.
Moira Encina