Ramon Tulfo, nahaharap sa panibagong libel at cyberlibel case
Nahaharap sa mga panibagong reklamo ng libel at cyberlibel ang kolumnistang si Ramon Tulfo.
Ang mga reklamo ay inihain ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Executive Assistant II Adonis Samson laban kay Tulfo sa Quezon City Prosecutors’ Office.
Kabilang din sa kinasuhan ni Samson ng libelo at cyberlibel sina Manila Times President at CEO Dante F.M. Ang II, Publisher Emeritus Rene Q. Bas, at mga editors na sina Lynett O. Luna, Blanca C. Mercado, Nerilyn A. Tenorio, at Leena C. Chua.
Ang reklamo ay nag-ugat sa pitong artikulo na isinulat ni Tulfo kung saan pinaparatangan nito na kurap na opisyal ng BIR at may illicit relationship si Samson.
Sa mga nasabing artikulo, inilahad ni Tulfo ang sinasabing recorded video ng pag-uusap ni Samson at ng isa pang babaeng BIR official na si Ms. Angeles sa Harvard University sa Massachusetts noong 2017 kung saan kumukuha raw ng short courses ang dalawa.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Samson na nagtagumpay si Tulfo sa aniya’y ‘character assassination spree’ nito para sirain ang kanyang reputasyon at atakihin ang kanyang pagkatao.
Hindi lang aniya ipinalabas ni Tulfo na siya ay tiwaling opisyal kundi may lihim pang relasyon.
Nagdulot aniya ito sa kanya at kanyang pamilya ng pagkabalisa at patuloy na emotional at psychological stress.
Taliwas aniya sa isinulat ni Tulfo na siya ay nasa Harvard noong 2017 kasama si Ms Angeles, ay hindi pa siya kailanman nakatunton sa Amerika.
Iginiit ng BIR Executive na malisyoso, walang basehan at plain sensationalism ang isinulat ni Tulfo.
Kasamang isinumite ng complainant sa piskalya ang kopya ng kanyang pasaporte.
Una nang kinasuhan ni BIR Commissioner Ceasar Dulay si Tulfo ng mga kaparehong reklamo.
Ulat ni Moira Encina