Ranking ng Pilipinas sa Speedtest Global Index umangat pa
Umangat pa ang ranking ng Pilipinas pagdating sa pinakahuling Ookla Speedtest Global Index pagdating sa mobile at fixed broadband download.
Ayon sa Ookla, mula sa 75.62Mbps ay tumaas sa 78.33Mbps ang fixed broadband median speed ng Pilipinas habang umabot naman sa 22.35Mbps ang mobile median speed.
Dahil dito, mula sa 182 bansa nasa ika-45 pwesto na umano ang Pilipinas pagdating sa fixed broadband habang sa mobile download naman, mula sa 140 bansa nasa rank 82 ang Pilipinas.
Kung sa mga kapitbahay na bansa naman sa Asya, nasa ika-14 pwesto ang Pilipinas pagdating sa fixed broadband habang ika-29 naman sa mobile.
Habang ika-12 pwesto naman ito sa fixed broadband sa Asia Pacific at pang-17 sa mobile.
Ang pagganda ng ranking ng Pilipinas pagdating sa internet speed ay kasunod na rin ng mas pinabilis na proseso sa pag-iisyu ng mga lokal na pamahalaan ng permits para sa pagtatayo ng cellular towers at paglalatag ng fiber optic network.
Inaasahan pang madaragdagan ang pagganda ng internet service sa bansa sa sandaling magsimula na ang operasyon ng satellite-based Starlink internet service ni Elon Musk, na mayroon umanong download speed na 100Mbps hanggang 200Mbps.
Madelyn Villar-Moratillo