Rappler CEO Maria Ressa, nagpalipas ng gabi sa tanggapan ng NBI matapos arestuhin dahil sa Cyberlibel case

Sa tanggapan na ng National Bureau of Inevstigation (NBI) nagpalipas ng gabi si Rappler CEO Maria Ressa matapos maisilbi sa kaniya ang arrest warrant kaugnay sa kasong cyberlibel.

Alas-5:00 ng hapon kahapon ng isilbi ang arrest warrant kay Ressa sa mismong opisina ng Rappler sa Pasig kung saan nasa meeting pa ito ng dumating ang mga taga-NBI.

Nasorpresa ang mga staff ng Rappler maging si Ressa sa pagdating ng arresting officers.

Binalaan at pinagbawalan lahat ng staff na nasa opisina ng Rappler maging ang media na kuhanan ang pagdakip sa Rappler CEO.

Kusa namang sumama si Ressa sa arresting team patungong NBI.

Ang warrant ay inisyu ni Judge Rainelda Estacio -Montessa ng Manila Regional Trial Court Branch 46.

Kasama ang kanyang mga legal counsel at mga staff, agad na nagtungo ang mga ito sa NBI cybercrime division upang magpiyansa pero bigo ang mga ito kaya sinamahan na lamang nilang magpalipas ng gabi si Ressa sa nasabing tanggapan.

Nag-ugat ang kaso ni Ressa sa isang storya na nailathala noong 2012 ng Rappler patungkol sa businessman na si Wilfredo Keng na nagpaparenta  umano ito ng mga sasakyan kay dating Chief Justice Renato Corona.

Giit naman ng Rappler, isa itong pag-atake sa Press freedom.

Bukod sa cyberlibel case kinakaharap din ni Ressa ang kasong Tax evasion.

 

Ulat ni Earlo Bringas

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *