Rappler hiniling sa CA na ipawalang-bisa ang ruling ng SEC na nagrevoke sa kanilang Certificate of Incorporation
Nagpasaklolo na sa Court of Appeals o CA ang Rappler matapos i-revoke ng Securities and Exchange commission o SEC ang kanilang certificate of incorporation.
Sa kanilang petition for review, hiniling ng Rappler Incorporated at ng Rappler Holdings na isantabi at ipawalang bisa ng CA ang ruling ng SEC en banc noong January 11.
Anila, hindi dumaan sa due process ang desisyon ng SEC laban sa kanila.
Ayon sa SEC, sinabi na nilabag ng Rappler ang probisyon ng Saligang batas sa media ownership na nagsasaad na dapat 100 porsyentong pagmamay-ari at nasa pangangasiwa lang ng mga Pilipino ang mass media sa bansa.
Nadiskubre ng SEC na tumanggap ang Rappler ng pondo mula sa US company na Omidyar Network.
Pinayagan daw ng Rappler ang Omidyar Network na magkaroon ng kontrol sa corporate affairs nito batay sa kanilang kasunduan kapalit ng isang milyong dolyar na pondo.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===