Rappler, sinisi ng Malakanyang kaya pinawalang-bisa ng SEC ang kanilang Articles of Incorporation
Ipinagdiinan ng Malakanyang na hindi niyuyurakan ng administrasyong Duterte ang kalayaan sa pamamahayag matapos na pawalang bisa ng Securities and Exchange Commission o SEC ang Articles of Incorporation ng online news organization na Rappler.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa kanyang briefing sa San Fernando, La Union na walang sinuman na media practitioner o media entity ang ipinasara ng Malakanyang.
Ayon kay Roque maging ang Rappler ngayon ay malayang maglabas ng kanilang artikulo sa social media bilang blogger.
Inihayag ni Roque ang kailangan lang gawin ng Rappler ay kumuha ng accreditation sa Office of the New Media na pinamumunuan ni Undersecretary Lorraine Badoy na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.
Niliwanag ni Roque na kasalanan ng Rappler kung bakit pinawalang-bisa ng SEC ang kanilang Articles of Incorporation dahil napatunayan na hindi one hundred percent na pag-aari ng filipino ang kanilang organisasyon alinsunod sa probisyon ng Saligang Batas.
Iginiit ni Roque na pinanindiganan ng Rappler ang kanilang posisyon sa kabila ng pagkakataon na ibinigay sa kanilang ng SEC sa pamamagitan ng isang show cause order upang ituwid ang pagkakamali sa kanilang Articles of Incorporation.
Sinabi pa ni Roque na kalabisan na ang gustong mangyari ngayon ng Rapller na humihingi ng pagkakataon na maituwid ang pagkakamali sa kanilang Articles of Incorporation matapos magdesisyon ang SEC.
Idinagdag ni Roque wala sa posisyon ang Rappler na ituwid ang kanilang pagkakamali ngayon dahil ang tanging may karapatan na magdesisyon ay ang SEC.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===