Re- calibration ng COVID-19 response ng pamahalaan dahil sa delta variant , pinag-uusapan na ng IATF
Tinatalakay na sa pulong ng Inter Agency Task Force o IATF ang re-calibration ng COVID 19 response ng pamahalaan para maagapan ang patuloy na paglobo ng kaso ng corona virus sa ibat-ibang panig ng kapuluan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque agad na tumugon ang IATF sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na rebyuhin ang patakaran ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya ng COVID 19 matapos kumpirmahin ng World Health Organization o WHO na mayroon ng local transmission ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay Roque nagkaroon na ng rekomendasyon ang sub-technical working group ng Data Analytic ng Department of Health o DOH na ipatupad na ang granular lockdown sa mga gusali, compound, kalye, kumunidad at barangay na may malalang kaso ng COVID 19 sa halip na regional lockdown.
Inihayag ni Roque nakita sa pag-aaral ng sub-technical working group na higit na mabisa ang pagpapatupad ng granular lockdown dahil mas madaling kontrolin ang galaw ng mga residente sa partikular na lugar upang maagapan ang paglaganap pa ng COVID 19.
Niliwanag ni Roque ang pagpapatupad ng granular lockdown ay bahagi ng policy shift ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya ng COVID 19 kasabay ng pagpapaigting ng contact tracing, testing at mabilis na vaccination rollout.
Vic Somintac