Recantation ng mga Degamo slay suspects, alegasyon pa lang na maituturing ayon sa DOJ
Kailangan pa umanong mapatunayan ang mga isinasaad sa affidavit of recantation ng mga suspek sa Degamo murder.
Sinabi ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na maituturing na mga paratang lamang ang nakalagay sa salaysay ng pag-urong ng suspek na si Jhudiel Rivero.
Dagdag ng opisyal, hindi ibig sabihin na katotohanan na ang mga ibinigay na pahayag ni Rivero sa huli niyang testimonya.
Ayon kay Fadullon, dapat dumaan pa rin sa maingat na pagsusuri ng hukuman ang recantation.
Ito ay para aniya mabatid kung puwede itong ikonsidera bilang ebidensya pabor kay Rivero.
Batay sa recantation ni Rivero, tinorture at pinilit lamang umano siya sa tatlong naunang salaysay niya ukol sa kaniyang partisipasyon at nalalaman sa krimen.
Nilinaw pa ni Fadullon na ang recantation pa lang ni Rivero ang naisumite sa Department of Justice (DOJ).
Pero ang recantation ng tatlo pang suspek ay hindi pa nila pormal na natatanggap.
Una nang sinabi ng abogado ng apat na isinumite lamang sa pamamagitan ng email sa DOJ ang recantation ng mga suspek na sina Romel Pattaguan, Rogelio Antipolo Jr., at Dahniel Lora.
Moira Encina