Record-breaking sumo champ na si Hakuho, magreretiro na
Nagpasya nang magretiro ng greatest Sumo champion na si Hakuho, dahil sa problema sa kaniyang tuhod.
Ang 36-anyos na ipinanganak sa Mongolia, ay nanalo sa 45 tournaments, 13 ulit na higit kaysa sinuman sa kasaysayan.
Subalit ngayong taon, dahil sa injury ay isang beses lamang itong lumahok sa torneo kung saan napagwagian pa niya ang titulo sa ginanap na Nagoya Grand Sumo Tournament noong July, sa kabila nang hindi niya nalahukan ang lahat o ibang bahagi ng anim na kompetisyon.
Ayon sa local media, nagpasya si Hakuho na magretiro sanhi ng injury sa kanan niyang tuhod.
Si Hakuho ay 1,187 beses nang nanalo sa kabuuan ng kaniyang career bilang isang sumo wrestler.
Hindi naman nagbigay ng komento ang Japan Sumo Association tungkol dito.
Si Hakuho na ang tunay na pangalan ay Munkhbat Davaajargal at anak ng isang Olympic silver-medal freestyle wrestler, ay nagtungo sa Japan sa edad na 15 para pasukin ang mundo ng sumo.
Una siyang sumabak noong 2001 at napanalunan ang una niyang top-division title noong May 2006, bago niya nakuha ang highest rank na yokozuna sa edad na 22 noong July 2007.
Ang kaniyang mga laban sa kapwa Mongolian yokozuna na si Asashoryu, ang nagbigay ng bagong buhay sa ancient sport, at humatak ng mas maraming manonood.
Si Asashoryu ay nagretiro noong 2010 ngunit si Hakuho ay nagpatuloy pa, at nalampasan ang record ng legendary sumo wrestler na si Taiho, na 33 tournament wins noong January 2015.
Nadaig din ni Hakuho ang mga kapwa niya yokozuna na sina Harumafuji, Kakuryu at Kinesato.
Si Hakuho ang longest-serving yokozuna ng sumo, kung saan ang ika-1,000 niyang laban bilang isang yokozuna ay noong July 2020.
Nabigyan naman ng Japanese citizenship si Hakuho noong September 2019, na nagbibigay sa kaniya ng karapatan na magtayo ng sariling sumo stable kapag siya ay nagretiro na.