Recount sa Poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay VP Leni Robredo umusad na

Umusad na ang manual recount o revision of votes sa mga kinukuwestyong boto sa pagka-Bise Presidente noong eleksyon 2016.

Alas-8:30 ng umaga nang sinimulan ang manu-manong bilangan sa mga boto sa Supreme Court- Court of Appeals gymnasium na ginawang Revision hall.

Sa statement ng Presidential Electoral Tribunal o PET na binasa ni Supreme Court spokesperson Atty. Theodore Te, sinabi niya na alinsunod sa Rule 65 ng 2010 PET rules, limitado ang revision o recount sa tatlong pilot provinces na tinukoy ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos na ang mga ito ay ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Kabuuang 5,418 na balota o clustered precinct mula sa tatlong pilot provinces ang sasakupin ng recount.

Ayon pa sa PET, alinsunod sa Rule 65 ang resulta ng recount ng tatlong pilot province ang pagbabatayan kung kakailanganin pa na muling bilangin ang nalalabing mahigit 31,000 protested clustered precinct.

Ang actual recount ay pinangungunahan ng mga revision committees na binubuo ng tatlong miyembro.

Ang mga ito ay ang Head Revisor na kinatawan ng tribunal, ang isa ay mula sa  kampo ni Marcos, at ang isa ay kinatawan ng kampo ni Vice President Leni Robredo.

Nasa apatnapu ang revision committee pero target ng PET na makabuo ng 50 komite.

Nasa proseso na ang PET ng pagkuha at pagsasanay ng mga aplikante para sa nalalabing sampung head revisor.

Ang schedule ng recount ay Lunes hanggang Byernes, mula alas-8:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, at 1:00 ng hapon hanggang 4:30 ng hapon.

Sinabi ng PET na mahigpit ang bilin sa Revision committees na tumalima sa itinakdang time limit para makumpleto ang manual recount ng isang ballot box.

Para sa mga ballot box na naglalaman ng 300 o mas mababang bilang ng mga balota, ang revision ay dapat na kumpletuhin sa loob ng lima at kalahating oras.

Para naman sa mga ballot box na naglalaman ng mahigit 300 balota pero hindi hihigit sa 700 balota, ang time limit ay 8.25 hours, o walong oras at 15-minuto.

Para naman sa mga ballot box na may mahigit 700 balota, ang time limit ay labing -isang oras.

Habang isinasagawa ang recount, susuriin ng head revisor ang laman ng bawat nalota at mula roon ay tutukuyin ang bilang ng mga boto na nakuha ng bawat partido.

Papayagan din ang mga kinatawan ng magkabilang kampo na mag-giit ng boto o maglahad ng pagtutol sa mga balota kung kinakailangan.

Pero kung mabibigo ang revision committee na makatalima sa time limit, ang kumite ay uusad na para naman bilangin ang nilalaman ng panibagong ballot box at mangangahulugan ito na isinusuko na ng parehong partido ang kanilang karapatan na maggiit ng boto o maglahad ng objection sa mga nalalabing balota.

Samantala, nagtungo sa Revision venue si Marcos kasama ang kanyang asawa na si Liza at kapatid na si Imee para obserbahan ang pagsisimula ng recount.


Nagtipun-tipon din ang mga tagasuporta ni Marcos sa labas ng Korte Suprema na pawang mga nakasuot ng pula.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *