Recovery rate ng mga pinoy sa ibang bansa na tinamaan ng COVID-19 tumataas – DOLE
Iniulat ng Department of Labor and Employment na tumataas na rin ang recovery rate sa hanay ng mga OFW na tinamaan ng COVID-19 sa ibang bansa.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, batay na rin ito sa report sa kanila ng Philippine Overseas Labor Offices.
Gaya nalang aniya sa Israel kung saan sa 111 pinoy na tinamaan ng COVID-19 ay 103 na ang nakarekober.
Sa 3, 577 OFW naman sa Qatar na tinamaan ng COVID-19 ay walang naitalang bagong nasawi dahil sa virus.
Sa Europe naman, may 108 pinoy ang nakarekober mula sa COVID-19 sa Spain, 8 sa France, 5 sa Portugal, at 6 sa Andorra.
May 82 rin recoveries ang naitala sa Germany habang ang iba ay patuloy paring nagpapagaling.
Lahat naman ng 7 COVID-19 cases sa hanay ng mga pinoy sa Belgium ay nakarekober na habang may tig 2 kaso rin ang nakarekober na sa Netherlands at Luxembourg.
Sa Russia, gumaling na rin ang 29 confirmed COVID cases sa hanay ng mga OFW.
Umaasa naman si Bello na wala ng OFW ang tatamaan ng COVID-19 lalo na at patuloy silang nagsasakripisyo na magtrabaho sa ibang bansa malayo sa kanilang pamilya.
Madz Moratillo