Recruiters kakasuhan matapos mag-deploy ng menor de edad
Agad na iniutos ni Labor Secretary Silvestre Bello III na suspendehin ang lisensiya ng dalawang recruitment agency na nahaharap ngayon sa kasong administratibo at kriminal matapos mag-deploy ng mga menor-de-edad bilang household service worker sa Saudi Arabia.
Kinilala ni Philippine Overseas Employment Administrator Bernard Olalia ang mga ahensiya na LGH International Services na nag-deploy sa 17 taong gulang sa Riyadh, at ang Side International Manpower Inc., na nag-deploy ng 14 taong gulang sa Jeddah.
“Maliwanag na nilabag ng dalawang ahensiyang ito ang patakaran ng POEA ukol sa illegal recruitment at human trafficking at inilagay sa delikadong sitwasyon ang seguridad at kapakanan ng dalawang menor-de-edad at sa mapang-abusong gawain,” ani Olalia.
Maliban sa kanselasyon ng lisensiya, papatawan din ang dalawang recruitment agency ng multa na aabot ng P500,000 hanggang P1 milyon.
Sinabi ni Olalia na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang POEA sa Department of Foreign Affairs at iba pang kinauukulang ahensiya para imbestigahan ang mga pekeng dokumento, gayundin ang kanilang pekeng pasaporte.
“Ipinaaalam namin ang impormasyong ito bilang babala sa publiko ukol sa mga iligal na gawain ng mga ahensiyang ito, lalo na iyong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Walang lugar ang illegal recruitment at human trafficking para makapag-trabaho sa ibang bansa,” ani Olalia.
Ang dalawang menor-de-edad ay kabilang sa mga inabuso at minaltratong OFW na nakauwi noong nakaraang linggo, at ngayon ay kasama na ng kanilang mga pamilya at nabigyan na rin ng tulong mula sa pamahalaan.