Red Cross gagamit na ng Saliva test sa pagsusuri kung positibo sa Covid-19 ang isang tao
Maaaring simulan na ng Philippine Red Cross ang paggamit ng saliva test para malaman kung ang isang tao ay positibo sa COVID-19.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng PRC, hinihintay lang nila ang go signal ng Department of Health hinggil dito.
Iginiit ni Gordon na ang saliva test ay kasing-epektibo rin ng PCR o Swab test, katunayan ay ginagamit ang ganitong proseso sa airport sa Japan.
Mas mabilis aniya ang resulta ng saliva test kumpara sa Swab test dahil maaaring malaman kung positibo sa Covid-19 sa loob lamang ng 3 oras.
Mas makatitipid rin aniya ang Gobyerno dahil aabot lamang sa 2,000 piso ang bayad sa bawat test na maaaring bumaba pa kumpara sa 3,400 na Swab test.
Maliban sa mga paliparan, target ng Red Cross na maglagay ng kanilang Molecular laboratory sa Panay island para mabilis ang pagsusuri.
Pero kailangan aniyang makaroon muna ng kontrata hinggil dito para hindi maulit ang nangyari sa kasunduan sa Swab test.
Ang pagsasagawa ng swab test sa mga dumarating na Pinoy sa airport at iba pang border ng bansa ay una nang ipinatigil ng Red Cross dahil sa hingi pagbabayad ng Philhealth.
Kinumpirma ng Senador na nakapagbayad na muli ng 265 million ang Philhealth sa Red Cross pero umaabot pa aniya sa mahigit 600 million ang kanilang utang dahil araw-araw nadaragdagan ang kanilang mga sinusuri.
Meanne Corvera