‘Red Thursday’ at ‘Red Friday’ ikinasa ng mga empleyado ng Korte Suprema; Mga pulang ribbon ikinabit sa gate at bakod ng Supreme Court
Isang araw bago ang inaasahang botohan ng Korte Suprema sa quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno… ikinasa ng Supreme Court Employees Association o SCEA ang ‘Red Thursday’ at ‘Red Friday’ protest.
Kaugnay nito, napapaligiran na rin ng napakaraming pulang ribbon ang bakod at gate ng Supreme Court compound sa Padre Faura at sa Taft Avenue sa Maynila.
Ang kulay pula ang simbolo ng mga opisyal at kawani ng hudikatura na nananawagan sa pagreresign ni Sereno.
Sa abiso ng SCEA, hinimok nito ang kanilang mga miyembro na ‘papulahin’ ang Korte Suprema sa pamamagitan ng pagsuot ng pulang damit sa bisperas at sa mismong araw ng pagdidesisyon ng Supreme Court sa Quo warranto case ni Sereno.
Iginiit ng SCEA na nagkakaisa sila sa pagprotekta sa integridad ng Supreme Court laban sa paninira at pagsisinungaling ni Sereno.
Ipinapanalangin daw nila na ang kabutihan at katotohanan ng Korte Suprema ang mananaig sa desisyon ng mga mahistrado sa kaso ni Sereno.
Ganap na alas 10:00 ng umaga bukas nakatakdang magdaos ng Special en banc Session ang Supreme Court para desisyunan ang Quo Warranto case.
Ulat ni Moira Encina