Refuel at battery charging, pinaniniwalaang dahilan ng paglutang ng Russian submarine sa West Philippine Sea
Malaki ang posibilidad na refuel at battery charging ang pangunahing dahilan nang paglutang ng Russian attack Submarine na namataan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, may namataan kasing 2 support vessel na kasama ang submarine nang mamonitor ito sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas noong November 28.
Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad
Kabilang sa namataan ng navy ang isang rescue tank at isang escort vessel ng Russian Navy.
Nakapag-establish na rin ng komunikasyon ang navy sa 2 support vessel, na kinumpirmang kasama nga sila ng submarine.
Maayos naman aniya ang naging komunikasyon sa nasabing mga Russian vessels na nagsabing galing sila sa maritime exercise sa Malaysia, at hinihintay lang nilang gumanda ang panahon bago dumiretso sa kanilang destinasyon sa Vladivostok, Russia.
Nais bigyang diin ng Philippine Navy ang mabilis na pagtugon nila sa insidente sa pamamagitan ng pagdeploy ng Air assets at ng BRP Jose Rizal.
December 1 nang hapon nang tuluyang makalabas sa EEZ ang Russian submarine na ineskortan ng Philippine vessel.
Ito ang unang pagkakataon na nakamonitor ng isang submarine sa loob ng EEZ ng Pilipinas, sa tulong na rin ng makabagong monitoring capabilities ng Armed Force of the Philippines (AFP).
Gayuman, nilinaw ng navy na walang ginawang paglabag sa International Law ang pagdaan ng submarine sa EEZ na maituturing na innocent passage sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), lalo na at maitururing na nautical highway ang bahaging iyon ng teritoryo.
Mar Gabriel