Regional prisons ng BuCor nais ng DOJ makumpleto lahat pagdating ng 2027
Desidido ang Department of Justice (DOJ) na maalis na ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na may template na ang DOJ para sa mga regional prison sa bansa.
Target aniya ng DOJ na sa taong 2025 ay operational na ang tatlo hanggang apat na regional prisons.
Ayon sa kalihim, pagdating naman ng 2027 ay umaasa sila na tapos na ang lahat ng regional prisons upang tuluyang maisara na ang Bilibid.
Plano aniya ng DOJ na pumasok sa public-private partnerships (PPP) kasama ang local government units para sa konstruksyon ng mga nasabing kulungan.
Pinag-aaralan din aniya ng kagawaran na gawing regional prisons ang kasalukuyang penal colonies ng BuCor sa pamamagitan ng PPP.
Sinabi pa ni Remulla na batay sa pag-aaral ng mga eskperto at best practices ng ibang bansa ay hindi na akma ang pagkakaroon ng mega prisons tulad ng Bilibid kundi ng mas maliliit na kulungan gaya ng regional prisons.
Inihayag pa ni Remulla na uunahin ang pagtatayo ng super maximum sa Mindoro na may pondo sa ilalim ng pambansang budget.
Nais ng kalihim na gawing government center na lang ang lupang kinatatayuan ng NBP lalo na’t hirap ang pamahalaan sa paghanap ng lupain na pagtatayuan ng mga tanggapan nito.
Moira Encina