Registration ng mga hukom at kawani sa NCR courts para sa Judiciary Vaccination Program, sinimulan na
Binuksan na ng Office of the Court Administrator (OCA) ang online registration ng mga empleyado at hukom ng mga trial courts sa Metro Manila na nais magpabakuna kontra COVID-19.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na maaari nang magparehistro hanggang sa Mayo 31 para sa Judiciary Vaccination Program ang mga huwes at court personnel ng first at second level courts sa NCR na kabilang sa A4 priority group.
Ito ay sa pamamagitan ng pagsagot sa registration form na ma-a-access sa link na nakasaad sa OCA circular o kaya ay sa pag-scan sa QR code na nakalagay din sa sirkular.
Puwede ring magparehistro para sa vaccination program ang judges at kawani ng trial courts sa Third at Fourth Judicial Regions na naninirahan sa Metro Manila.
Kinakailangan naman na agad magparehistro nang hiwalay sa Manila City LGU ang mga kwalipikado at mag-a-avail ng judiciary vaccination.
Dapat ang address na ilagay ng mga registrants sa Manila vaccination ay sa Supreme Court sa Padre Faura, Ermita.
Binanggit sa sirkular na isasagawa ang pagbabakuna sa Korte Suprema.
Pero, hindi tinukoy kung kailan masisimulan ang pagbabakuna sa mga nagparehistrong judiciary employees.
Ayon sa OCA, ang makakalap na impormasyon sa registration ay ibabahagi sa National Task Force Against COVID-19 upang matiyak na may sapat na suplay ng bakuna para sa lahat ng nagparehistro.
Moira Encina