Registration ng Starlink Internet ni Elon Musk sa PH, aprubado na ng NTC
Inanunsiyo ng National Telecommunications Commission (NTC) na inaprubahan nito ang registration ng Starlink Internet Services Philippines Inc. bilang internet service provider sa bansa.
Ito ay subsidiary ng Starlink Satellite Internet Service na pag-aari ng bilyonaryong si Elon Musk.
Ayon sa NTC, pinagtibay nito ang registration ng Starlink Internet Services bilang value-added service (VAS).
Ibig sabihin anila ay maaari nang direktang maka-access ang kumpanya sa satellite systems, at magtayo at mag-operate ng mga broadband facilities para makapagbigay ng internet services.
Sinabi ng NTC na nag-aalok ang Starlink ng high-speed, low latency satellite internet service na may download speeds sa pagitan ng 100Mbps hanggang 200Mbps.
Nagpasalamat naman sa NTC ang legal counsel ng SpaceX na parent company ng Starlink na si Atty. Bien Marquez sa mabilis na pagiisyu sa kanila ng lisensya.
Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Timog-Silangang Asya na magkakaroon ng Starlink Satellite internet service.
Madelyn Moratillo