Rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong odette sa Visayas at Mindanao tatapusin bago bumababa sa puwesto si Pangulong Duterte sa June 30,2022 – Malakanyang
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin hanggang June 30, 2022 ang rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na naglabas na ng kautusan ang Pangulo sa Department of Public Works and Highways o DPWH na paspasan ang pagkukumpuni sa mga government infrastructure na winasak ng bagyong Odette.
Ayon kay Nograles kasama sa pinatutukan ng Pangulo sa DPWH ang pagsasaayos sa mga nasirang kalsada, tulay at government buildings.
Inihayag ni Nograles na huhugutin sa calamity funds sa 2022 national budget ang perang gagamitin sa rehabilitasyon ng mga lugar na winasak ng bagyong Odette.
Inaasahang malalagdaan na ng Pangulo sa December 28, 2021 ang 2022 national budget na nagkakahalaga ng 5.024 trilyong piso.
Vic Somintac