Reklamo kaugnay sa isa sa mga kaso ng missing sabungero, ibinasura ng DOJ
Hindi nakitaan ng sapat na ebidensya ng DOJ panel of prosecutors ang mga reklamo laban sa mga suspek sa pagkawala ng sabungero sa Laguna na si Michael Bautista.
Si Bautista ay huling nakita ng kaniyang asawa noong Abril 28, 2021.
Ayon sa DOJ, matapos na suriin ng mga piskal ang mga ebidensya at mga argumento ng dalawang panig ay nagpasya sila na ibasura ang mga reklamo na serious illegal detention at kidnapping laban sa mga respondent.
Sinabi ng DOJ na malabo at hindi kita ang mga mukha ng mga tao sa sinasabing video ng pagdukot kay Bautista ng suspek na si Julie Patidongan alyas Dondon.
Bukod dito, bigo rin ang mahalagang testigo sa kaso na humarap sa pagdinig at pagtibayin sa panel ang kaniyang salaysay.
Nilinaw naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi pa ito pinal at maaaring muling ihain ang reklamo sa oras na may matibay na ebidensya nang hawak.
Moira Encina